Top Stories

OFW na inakalang magtatrabaho sa Dubai, ibinenta ng recruiter sa halagang $1,000 sa Syria

Idinawit ng isa sa mga Pinay na biktima ng human trafficking sa Syria ang mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) kaugnay ng kanyang kaso.

Ayon sa Pinay, nakatatanggap ang ilang tauhan ng immigration ng pera para makapuslit ang mga tulad nya palabas ng ibang bansa.

Base sa kanyang interview kay Sen. Risa Hontiveros, patunay aniya rito ang pagpapalusot sa kanya sa immigration gates sa airport ng ilang miyembro ng BI.

Pero unang inakala ng Pinay na ipadadala sya sa Dubai, UAE ng kanyang recruiter para magtrabaho doon bilang kasambahay.

Aniya, mula Maynila ay nagtagal sya sa Malaysia ng halos dalawang linggo. Pero dito na nya nalamang imbes na sa Dubai, sa Damascus, Syria pala ang kanyang destinasyon.

Ayon sa Pinay, ibinenta sya ng recruiter sa halagang $1,000 o katumbas ng PHP48,500 sa kanyang magiging amo sa Syria.

Limang buwan pa lamang siya sa Damascus pero nakaranas na sya ng pangmomolestiya at pananakit mula sa kanyang amo. Lalo pa aniya itong tumindi nang malaman ng kanyang amo na nakikipag-ugnayan sya sa embahada doon para sya’y marescue.

“Five months ko dito nakaranas ako ng pananakit kasi nagpaalam ako na uuwi ako kaya nagalit sila, sinaktan ako saka yung mga pangalawa, [noong] 2020, sinaktan ulit ako dahil nabasa nila mga email ko, kinuha nila, kasi tumatawag embassy sa kanila na humihingi ako ng tulong,” paglalahad ng biktima.

Tumatagal din ang kanyang trabaho ng hanggang 13 oras sa loob ng isang araw kapalit ng kakarampot na sweldong $200 kada buwan.

Nangako naman si BI Commissioner Jaime Morente na makikipagtulungan ang ahensya sa inbestigasyon ng Senado.

Dagdag pa nya, ipapataw ang pinakabigat na multa sa sinumang miyembro ng immigration na mapapatunayang sangkot sa ganitong kalaran.

Staff Report

The Filipino Times is the chronicler of stories for, of and by Filipinos all over the world, reaching more than 236 countries in readership. Any interesting story to share? Email us at [email protected]

Related Articles

Back to top button