Being a mother is one of the most noble professions. A mother’s love is so great that it knows no bounds, a force that is able to transcend both time and distance. This is the story of how an OFW mom chose to be away from her children just to be able to ensure a bright future for them, and chronicles the pain of a parent miles away from home during one of the most important milestones of her children.
—————
Dear TFT,
Gusto ko lang i-share na kahit nakakapagod maging isang OFW, nakakaiyak din at nakakatuwa kapag nakikita mong nagbubunga ‘yung mga paghihirap natin.
I am a teacher po dito sa ibang bansa for more than 9 years na. Napakahirap pala maging OFW. ‘Yung lahat ng akala mo, mali pala. Hindi po lahat ng OFW ay yumayaman, pero lahat po ng OFW ay nakikipagsapalaran sa ibang bansa dahil may rason po sila. Ang rason ko po ay ang aking mga anak.
Namatay po ang asawa ko noong 2007 dahil sa atake sa puso. Teacher ako noon sa Pilipinas at ang asawa ko ay ume-extra sa construction. Kahit anong pagtitipid ang gawin, hindi talaga kasya ang budget dahil nag-aaral po ang tatlo kong anak. Dahil sa hirap ng buhay, matagal ko na talagang pin-lano mag-OFW. Pero ayaw ng asawa ko kasi mas okay sa kanya na kahit mahirap basta sama-sama. Kaso, dahil sa pagkamatay ng asawa ko, lalo pong naging mahirap. Mag-isa na lang po akong kumakayod at maliit lang po ang sahod ng mga guro.
Kaya kahit mahirap din para sa akin, nag-desisyon akong ipagpatuloy ang plano kong mag-abroad.
Magha-high school pa lamang noon ang panganay ko kaya proud na proud ako sa kanyang nag-step up siyang alagaan ang mga kapatid niya. Iniwan ko muna sila sa isa kong kapatid.
Umalis po ako ng Pilipinas na mabigat ang loob. Nag-pray po ako at humingi din ako ng guidance sa asawa ko. Kahit mahirap, nag-abroad ako at iniwan ang aking mga anak.
Napaka-mahirap maging OFW pero siguro mas mahirap maging OFW at isang ina nang sabay. Walang araw na hindi ko inisip kung nakahanda na kaya ang mga gamit nila para sa school, nakakain kaya sila ng almusal, okay naman kaya sila sa school, wala naman bang nangbu-bully sa kanila, okay naman kaya ang grades nila? Safe kaya silang nakauwi? Nakatulog na kaya sila? Bilang isang OFW at bilang isang ina, hindi ka nauubusan ng iniisip tungkol sa pamilya mo sa Pinas, lalong-lalo na kung tungkol sa ating mga anak.
Pero bawat gabi na dumadaan, tinatatagan ko pa. Nilalakasan ko lang loob ko. Para sa ating mga anak, ‘yan ang lagi kong iniisip. Siguro, malaki rin ang tiwala ko sa aking panganay na magagampanan niya ang kanyang role na maging “ina” muna sa mga nakababata niyang kapatid.
Magha-highschool pa lamang si Kristine noong iwanan ko sila. Kahit gaano kasimple, mahirap din pala na wala ka sa tabi nila kapag kuhanan na ng marka sa school, o kahit simpleng PTA meeting. Lalo na kapag matataas ang marka niya at gusto ko siyang ipagmalaki sa harap ng iba.
Ilang taon ang lumipas, nagcha-chat kami almost everyday. Kinakamusta ko sila ng mga kapatid niya.
Heto nga, ngayong May, gagraduate na si Kristine sa college. Proud na proud po akong sabihin na magtatapos pong magna cum laude ang aking anak.
Anak, kung mababasa mo ito, pasensya na at di pa rin makakauwi si Nanay sa graduation mo. Pero gusto kong sabihin sa’yo na proud na proud si mama sa’yo. Kung pwede ko lang ipagsigawan dito, anak ginawa ko na.
Proud na proud ako sa’yo dahil hindi ka lang magna cum laude, naalagaan mo rin ng maayos ang iyong mga kapatid kahit busy ka sa pag-aaral.
TFT, malapit na din po magtapos ang isa ko pang anak. Pero siguro hanggang hindi pa nakakapagtapos si bunso, hindi pa rin ako makakauwi ng Pilipinas. Tiis-tiis pa po ng konti bago ko po sila makasama ulit.
Sa mga OFW na nanay na makakabasa nito, laban lang po tayo. Kaya natin ‘to. Para sa ating pamilya at mga anak sa Pilipinas, para sa pagmamahal natin sa kanila. Nakaka-proud makita yung mga paghihirap natin na nagbubunga na.
Maging proud tayo na tayo ay mga OFW mothers.
Thank you, TFT and more power.