Feature

Tips para hindi mabiktima ng pekeng titulo ng lupa

Isa sa mga pinag-iipunan ng mga overseas Filipino worker (OFW) ay ang makabili ng sariling lupa sa Pilipinas.

Pero sa panahon ngayon, naglipana ang mga scammer na aalukin ka ng lupa pero kapag nabayaran mo na, bigla na lang mawawala ang pekeng real estate agent na parang bula.

Sa isang interview sa ABS-CBN News, idinetalye ni Land Registration Authority (LRA) Deputy Administrator Ronald Ortile ang ilang bagay na dapat tandaan para makaiwas sa panloloko ng mga scammer ng lupa.

1- I-check na mabuti ang titulo. Ang titulo ay dapat magaspang at madilaw, na may pulang border sa gilid. Samantala, ang mga titulong inilabas simula 1984 ay kasing gaspang ng mga perang papel dahil ang mga ito ay inilathala ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

2- I-check rin ang likudan ng titulo. Kung mayroong affidavit of claim o kaya ay notice of adverse claim, iwasan na ang pagbili sa lupa.

3- Kumpirmahin kung ang pangalan sa titulo ay katulad ng pangalan ng nagbebenta ng lupa. Siguraduhing ang sukat ng lupa at ang address nito ay tama.

4- Maaari ring kumpirmahin kung lehitimo ang lupa sa pamamagitan ng mga bangko na may kakayahang i-check ang mga listahan ng mga lehitimong titulo sa database ng gobyerno.

Ayon kay Ortile, isa sa mga rason ng talamak na bentahan ng pekeng titulo ng lupa ay ang madaling pag-photocopy ng mga titulo na naka-papel. Dahil dito, ilulunsad ng LRA ang ‘Land Titling Computerization Project’ na naglalayong gawing digital ang mga kopya ng titulo.

Ani Ortile, hindi madaling kopyahin ang mga digital na kopya ng titulo hindi katulad ng mga titulong nasa papel na madaling gawan ng mga panibagong kopya.

Dahil digital na rin ang mga titulo, maiiwasan na rin ang pagkasira ng mga records ng titulo kung sakaling magkaroon ng sakuna katulad ng baha o sunog.

Mas madali na ring mahahanap ang mga records dahil hindi na ito kailangang i-mano-mano kung sakaling kailanganin.

Sa ilalim ng proyektong ito, ang orihinal na kopya ng titulo ay digital na habang ang may-ari ng titulo ay bibigyan ng certified true copy ng titulo na nasa papel.

Photo credit: PhilPropertyExpert

Related Articles

Back to top button