Isang lalaki sa Oklahoma, US ang umamin sa karumal-dumal na pagpatay sa kanyang kapitbahay at mga kaanak.
Kalalabas lang ni Lawrence Paul Anderson, 42-anyos, noong Enero mula sa kulungan. Pero imbis na magbagong buhay, isang malagim na krimen ang agad nyang kinasangkutan.
Nitong ika-12 ng Pebrero, wala ng buhay ang biktimang si Andrea Lynn Blankenship nang datnan sya ng pulisya sa loob ng kanyang bahay. Wakwak din ang kanyang dibdib at nawawala ang kanyang puso, ayon sa ulat ng Washington Post.
Habang nagsisiyasat ang mga pulis sa loob ng bahay ng biktima, nakarinig sila sigaw sa kalapit na bahay.
Nang puntahan nila, tumambad naman ang duguang katawan ng 64-anyos na tiyuhin ni Anderson at apat na taong gulang na apo nito.
Hindi na umabot ng buhay ang dalawa sa ospital. Samantala, himalang nabuhay ang 63-anyos na asawa ng matanda. Pero nabulag dahil sa mga saksak ng kutsilyo sa magkabilang mata.
Doon na nadakip si Anderson na umaming bukod sa kanyang tiyuhin at pamangkin, sya rin ang pumaslang sa kanyang kapitbahay na si Blankenship.
Ang nakagugulat na rebelasyon ng suspek, tinadtad nya ng saksak si Blankenship saka dinukot ang puso nito at dinala sa bahay ng kanyang tiyuhin para doon lutuin.
Hinaluan pa ito ng suspek ng patatas at pinilit na ipakain sa pamilya ng kanyang tiyuhin.
Nang pumalag ang mga biktima, binalingan sila Anderson ng saksak.
Mula pa noong taong 2006 ay pabalik-balik na sa kulungan ang suspek dahil sa pare-pahong kaso ng paggamit at pagtutulak ng droga.
Nakapiit ngayon sa Grady County Jail ang suspek at nakatakdang humarap sa korte sa ika-1 ng Abril.
Nahaharap sya sa patung-patong na kaso kabilang ang three counts of first-degree murder at two felony charges of assault and battery.