Patay ang 8-anyos na batang lalaki habang sugatan naman ang kanyang ina matapos pagsasaksakin sa loob ng kanilang bahay sa Mabalacat, Pampanga.
Duguan at wala ng malay ang katawan ng batang si Zafiro Fritz Gaila, anak ni Marjorie Magno, matapos siyang tadtarin ng saksak ng kinakasama ng kanyang ina. Kinilala ang suspek na si Brian Fajardo.
Base sa imbestigasyon, madalas ang pagtatalo ng mag-live in partner at nagkaroon nga ng malaking away ang dalawa bago mangyari ang krimen.
Nauwi sa saksakan ang pagtatalo matapos makita ni Magno na may ka-text si Fajardo, ayon sa ulat ng GMA News.
Ayon kay P/Lt. Col. Rossel Cejas, hepe ng Mabalacat City police, naunang sinaksak ng suspek ang kanyang live-in partner. Dahilan ng suspek, nagdilim ang kanyang paningin.
Ang batang biktima na umawat at yumakap sa kanyang ina ang napagbalingan ng husto ng suspek.
Sinubukang protektahan ng ina ang bata at tinangkang tumakas ng bata pero hinila pa umano siya ng suspek at patuloy na pinagsasaksak.
Nang makahanap ng tiyempo, humingi ng saklolo si Magno at sa tulong ng mga residente ay nahuli ang suspek.
Nakaburol ang mga labi ng bata sa Cabanatuan at kasalukuyan pang nagpapagaling ang kanyang ina sa ospital.