Humingi na ng tulong ang pamilya ng namayapang flight attendant na si Christine Dacera sa isang ‘psychic’ para malaman kung ano nga ba ang naging dahilan ng pagkamatay nito.
Tinanong ng pamilya kung ano nga ba ang mga tunay na kaganapan noong araw ng pagpanaw ng dalaga. Naniniwala ang ina ni Christine na si Sharon Dacera na may foul play na naganap na naging dahilan ng pagkamatay ng kanilang anak.
“Kasi, Ma’am, nagpa-psychic kami. So, kung ano yung sinabi nu’ng spirit ni Tin, na she was really betrayed by a friend. Siyempre we are looking for, yung tinatawag natin na lahat ng paraan na ginawa ng isang nanay kung ano ba talaga ang nangyari sa anak niya. So, paulit-ulit talaga na nagsasabi si Tin na she was really betrayed by a friend,” sabi ni Sharon sa kanyang interview sa programa ni Luchi Cruz-Valdes sa TV5 na “Deretsahan”.
RELATED STORY: Dacera family not after Christine’s insurance money, insists on seeking justice
Binanggit naman ni Luchi na hindi maaaring tanggapin ng korte ang mga pahayag ng isang ‘psychic’ dahil sa kawalan nito ng “evidentiary value.”
Matatandaang “natural causes” ang nabanggit na resulta ng medico-legal na dahilan ng pagkamatay ni Christine – na siya ring sinasabi ng mga taong sinampahan ng reklamong rape with homicide ni Sharon.
“Ang akin lang naman po, sana makonsensiya sila na magsabi ng totoo. Sabi nila, mahal nila si Tin, e, bakit nagkaroon ng mga galos, yung mga bruises yung anak ko? Sa’n yun galing, e, kayo lang magkakasama, e?” dagdag ni Sharon.
READ ON: Dacera case respondents hope for early resolution
Sa ngayon ay hinihintay ng pamilya Dacera ang resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation at ang mga DNA tests sa ilang mga organs ni Christine para malaman kung may karagdagang ebidensya pa silang maaaring maihrapa sa korte na magpapatunay na may foul play ngang naganap.
“Ako, wini-wish ko na lang na hindi rin mangyari sa kanila yung nangyari sa anak ko kasi masakit, sobrang sakit. Sa pagkawala ni Christine, I feel the injustice to what had happened to her. So ngayon, kahit sa anong paraan, ipaglalaban ko ang anak ko,” ani Dacera.