Tulad namin, may mga bagong ina na dadating, guguhit ng sariling kapalaran at susubukang iguhit ang kapalaran ng kanilang mga anak.
Kami ang matatawag na mayayabang na OFWs. Si Mama Cora, Mama Neng at Mama Rose. Sa iisang bahay kami nakatira sa Satwa. Mga proud mama na palaging ipinagyayabang ang aming mga butihing anak na masigasig na nagsisipag-aral sa Pilipinas.
Ako, si Gng. Cora, may 3 anak na pinag-aaral sa kolehiyo. Ginawang 8 araw ang isang linggo kung susumahin ang oras na ginugugol sa trabaho para kumita ng sapat.
Sinuong ang hirap, tiniis ang gutom, uhaw, at kinalimutan ang pagod . Halos di ko na kilala ang sarili ko sa araw-araw na nakikipag-buno ako sa bus (Mahirap pa sumakay nuon).
Pagdating sa bahay, “Cheapest Bed Space,” ilang beses kong narinig na bakit palagi akong delayed sa pagbabayad ng renta mula sa mga kasama na umaastang malalaki sweldo na nagwo-work sa parlor – naturingan na nag-uupisina. Oo nga naman. Eh kasi inuuna ko ang mga anak.
Kailangan mai-siguro ko muna ang kanilang pangangailangan bago ang sa akin. Isang linggo after ng tuition, libro, allowance, bahay, kuryente, project … di nga lingo-lingo eh. Halos araw-araw yata kailangan ng pera.
Utang dine utang duon. Advance dine, pati nga opis boy nau-utangan ko. Ayun lubog ako sa Dunia – ang tanging financing company na nagtiwala sakin. 39.98% after consolidation ng Dh36,000 na utang. laki ano? Pero kailangan eh.
May pagkakataong lumipat pa ako ng bahay kahit Dec. 25 kasi di ko na kinaya ang panglalait sa’kin ng mga kasama kong manikurista. Pinagtatawanan nila ang cellpone ko: Nokia 3210. Tinatago ko nga yun kapag nag-riring ng halakhak… kakahiya! Wala ngang number ang keypad, memorized ko lang.
Aba, kung magpapa-contest nga ang UAE Exchange na paramihan ng resibo ng remittance, malamang panalo ako!
Si Rose. Nanay din ng 4. Tatlo din ang college nya. Sampung taon sa work nya bilang opis assistant. Maluwag ang oras nya; nakakapag-partime sya ng 2 araw sa isang linggo. 10 years na din sya sa company, pero biglang nagsara at nawala na ang mga amo; walang settlement na natanggap.
Sa makatuwid wala na ding visa. May nag-o-offer na trabahong kasambahay sa Dh2000 pero nakatali na ang 7 araw mo sa loob ng isang linggo. Di sasapat. Walang option kundi part-time dine part-time duon.
Inisip mo ba ang sarili mo? Sabi nya hindi na. Ang mga anak ko na lang; kailangan nila ang pera eh. Oo nga naman. Sana lang mahuli ako kung tapos na kahit dalawa lang. ‘Wag ngayon.
Si Mama Neng, Nagpapa-aral ng 3. Nag-asawa na yun dalawa so iisa na lang. Maluwag sana kaysa sa amin ni Mama Rose. Pero hindi eh, mas kumplikado. Nuong, una na-in-love yata sya. Nagkabunga. Six years old na ngayun ang bata. Ang gwapo nga eh.
Tapos, may malaking bukol na tumubo sa dibdib nya- iniinda nya na minsan. Pero sabi nya mapatapos nya muna ang anak nya , uuwi na sya. Tiis lang sya kapag kumikirot. Alam naman nating lahat na delikado yun. kahit sya alam nya, pero anung magagawa? May pinapatapos pa sya sa kolehiyo. Minsan magsasalita, “Bukol, tumigil ka sa paglaki.”
Ayun, may kanya-kanya kaming problema, hugot, at inspirasyon. Bawal manghusga, kasi magkaka-iba naman tayo ng sitwasyon at pananaw sa buhay. Isang araw, mawawala na din kami dito sa UAE. Tulad namin, may mga bagong ina na dadating, guguhit ng sariling kapalaran , at susubukang iguhit ang kapalaran ng kanilang mga anak. Hanggang sa muli mga ka-TFT. (END)

NOTE:
Si Gng Corazon Tarcena ay taga-Paluan, Occidental Mindoro. Naging titser sa Paluan National High School for 15 years. Dumating sya sa UAE nuong 2006. Namasukan bilang kasambahay nuong mga unang taon nya “kasi po nahirapan ako maghanap ng work as teacher.”
Sabi niya: “Plan ko na po mag for good pagkatapos ng aking mga bayarin sa Dunia para malinis po akong uuwi.”



