Uncategorized

Pekeng pulis sa Dubai, nanampal at tinangay ang wallet ng biktima sa mall

Sa selda ang bagsak ng isang Arabo na nagpanggap bilang isang ‘undercover police officer’ para makapagnakaw.

Ibinaba ng Dubai court ang hatol na anim na buwang pagkakakulong at multang AED1,500 para sa krimen.

Ayon sa biktima, naglalakad sila ng kanyang kapatid sa parking lot ng isang shopping mall sa Dubai noong Nobyembre 2020 nang bigla silang harangin ng lalaki.

Nang tanungin nya ito kung ano ang naging atraso nya sa batas, sampal ang inabot ng biktima. Pinilit nitong ipakita ang kanyang Emirates ID.

Pero nang ilabas nya ang kanyang wallet para kunin ang ID, hinablot ito ng lalaki saka tumakas. Naglalaman ang wallet ng AED1,500 at ilang mahahalagang cards at IDs.

Isang katulad na insidente ang nangyari sa isa pang expat sa parehong buwan. Dalawang lalaki naman ang nagpanggap bilang mga alagad ng batas sa dalawang expat.

Ayon sa mga biktima, huminto sa daan ang mga suspek sakay ng isang kotse at saka sila pinilit na pumasok sa loob ng sasakyan.

Nagpakita umano ng police ID ang isa sa dalawang lalaki kaya’t di na pumalag ang mga biktima.

Sa loob ng kotse, kinuha ng dalawa ang lahat ng laman ng kanilang mga bag, maging ang kanilang pera at dalawang cell phone.

Ibinaba sila ng mga suspek matapos pagnakawan.

Lumalabas sa imbestigasyon na peke ang police ID at nakaw ang plaka ng kanilang kotse. Kasalukuyang dinidinig pa rin ang kaso.

Staff Report

The Filipino Times is the chronicler of stories for, of and by Filipinos all over the world, reaching more than 236 countries in readership. Any interesting story to share? Email us at [email protected]

Related Articles

Back to top button