Natimbog sa sanib-pwersa ng mga alagad ng Abu Dhabi Police at Ajman Police ang limang miyembro ng isang phone fraud gang.
Modus ng grupo ang pagtawag sa kanilang target sa telepono. Magpapanggap sila na taga-bangko, at saka kukunin ang mahahalagang detalye ng bank account ng biktima tulad ng account number at pin code.
Mabilis nilang nililimas ang lamang pera ng bangko ng sino mang mabiktima nila. At dahil labas sa transakyon ang mismong bangko, hindi na nababawi ng mga biktima ang nawala nilang pera.
Ganito rin ang modus nila para sa mga mayroong credit card.
Naaresto ng pulisya ang grupo kasama ang isang babae sa kanilang apartment sa Abu Dhabi.
Ilang cell phone at sim card ang nakuha ng mga otoridad sa apartment at gagamitin itong ebidensya laban sa limang suspek.
Pinaalalahanan ni Brigadier Imran Ahmed Al Mazrouei, Director ng Criminal Investigations Department ng Abu Dhabi Police, na hindi kailanman man hihingi ang isang lehitimong taga-bangko ng mga pribadong detalye ng bank account sa telepono.
Isa aniya ito sa mga palatandaan na isang ‘cybercriminal’ ang kausap kapag humihingi na ng mga katulad na impormasyon.
Para sa mga ganitong reklamo, pwedeng tumawag sa Aman service sa toll-free hotline na 8002626, o kaya’y i-report sa pinakamalapit na police station.
Panoorin ang video ng pag-aresto sa mga suspek: