Latest NewsNewsPH NewsTFT News

Abot-kayang pabahay para sa mga OFW, pangunahing isusulong ni Abalos

Photo courtesy: Benhur Abalos/FB

Isa sa mga pangunahing isusulong ni dating DILG Secretary at senatorial candidate Benhur Abalos ay ang pagpapalawak ng murang pabahay sa bansa, kabilang na ang pagbibigay ng alokasyon para sa overseas Filipino workers (OFWs).

Ayon kay Abalos, kailangang tugunan ang kakulangan sa abot-kayang pabahay sa pamamagitan ng isang subok at epektibong modelo—katulad ng ipinatupad niya sa Mandaluyong noong siya ay alkalde.

“Napakarami nang isinakripisyo ng ating mga OFW—para sa pamilya at para sa ekonomiya ng bansa. Karapat-dapat lang na bigyan sila ng patas na pagkakataong makapagsimula muli dito sa sarili nilang bayan—sa pamamagitan ng isang tahanang ligtas at abot-kaya,” ani Abalos.

Nauna na niyang iminungkahi sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na maglaan ng hiwalay na alokasyon para sa mga OFW sa ilalim ng national housing programs bilang pagkilala sa kanilang malaking ambag sa bansa.

Sa kanyang pagtakbo sa Senado, layunin ni Abalos na isulong ang mga batas na magpapabilis sa proseso ng pagbili ng lupa, magpapalakas sa in-city housing, at magbibigay ng malinaw na pondo at prayoridad sa mga OFW, low-income earners, at informal settler families sa mga socialized housing program ng pamahalaan.

Murang pabahay sa Mandaluyong

Sa ilalim ng kanyang pamumuno bilang mayor ng Mandaluyong, mahigit-kumulang 8,000 na pamilya ang nabigyan ng pabahay sa pamamagitan ng iba’t ibang housing programs, na nais niya ring ipatupad sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kabilang na rito ang medium-rise condominiums para sa 1,113 pamilya, land-for-the-landless program na nagkaloob ng lupa sa 2,366 pamilya, at community mortgage programs para sa mahigit 1,460 pamilya.

Hindi bababa sa dalawang libong informal settler families din ang nabigyan ng land titles, na dating naninirahan sa gilig ng Philippine National Railway.

Bukod dito, sa pakikipagtulungan ng lungsod sa Gawad Kalinga, nabigyan din ng bahay ang 727 informal settler families.

“Dapat malinaw ang ating layunin: ang mabigyan ng bawat pamilyang Pilipino ng pagkakataong mamuhay nang may dignidad, seguridad, at karangalang may sarili silang tahanan,” wika ni Abalos.

Ayon kay Abalos, ang tagumpay ng programa ay dahil sa abot-kayang buwanang hulog—mula ₱1,500 hanggang ₱1,800 depende sa haba ng loan term, na karaniwang tumatagal ng 10 hanggang 25 taon.

Sa ilalim ng land-for-the-landless program, maaaring makakuha ang isang benepisyaryo ng 20-square-meter na lote sa halagang ₱250 kada buwan sa loob ng tatlong taon.

Bilang kongresista, iniakda ni Abalos ang amyenda sa Urban Development and Housing Act upang mapabilis ang pagbili ng lupa para sa pabahay. Noong siya naman ay DILG Secretary, sinuportahan niya ang pagpapatupad ng 4PH Program upang matugunan ang lumalaking kakulangan sa disenteng tirahan sa bansa.

Staff Report

The Filipino Times is the chronicler of stories for, of and by Filipinos all over the world, reaching more than 236 countries in readership. Any interesting story to share? Email us at [email protected]

Related Articles

Back to top button