“Pangako ko po sa inyo—kung ako’y papalaring manalo—ako mismo ang mangunguna sa pagsusulong ng polisiya para mapabilis ang mga prosesong ito.”
Ito ang paninindigan ni dating DILG Secretary at senatorial candidate Benhur Abalos sa gitna ng hinaing ng mga OFW tungkol sa Overseas Employment Certificate (OEC) at contract verification process.
Sa isang dayalogo kasama ang mga OFW mula sa Gitnang Silangan, Europa, at Asya, nakinig si Abalos sa kanilang mga karanasan at reklamo sa mabagal, luma, at pabigat na sistema.
‘Nakakainis, komplikado, pabigat’
Ayon kay Abalos, ang OEC—na dapat ay pananggalang para sa mga OFW—ay tila nagiging balakid dahil sa haba at bagal ng proseso.

“Masakit isipin na ang simpleng requirement na ito ay ginagawang komplikado,” aniya. “Kung mabibigyan ako ng pagkakataon, isusulong ko ang batas na magpapabilis at magpapadali sa prosesong ito.”
Dagdag pa niya, marami sa mga OFW ang napipilitang gamitin ang kanilang bakasyon—na madalas ay walang bayad—para lamang maayos ang mga dokumentong ito.
Reklamo ng mga kababayan sa abroad
Ayon kay Ralph, isang OFW sa Gulf region, mas madali pa raw minsan magbakasyon sa ibang bansa kaysa umuwi sa Pilipinas.
“Contract verification pa lang, aabutin ka na ng isang linggo hanggang isang buwan para makakuha ng appointment. Tapos pipila ka pa ng kalahating araw. Iba pa ang OEC,” aniya.
Marami ring OFW ang nagsabing nakaka-discourage itong proseso, at naaapektuhan pati ang oras nila kasama ang pamilya at ang kagustuhang makapiling ang mga mahal sa buhay.
Solusyong digital at mas mabilis
Bagamat may online system na, marami pa rin ang nagrereklamo sa hirap magpa-appointment. Kaya’t isinusulong ni Abalos ang ganap na digital transformation ng sistema.
Target niya ang isang user-friendly at streamlined na sistema, kung saan magkakaugnay ang mga ahensya at iwas-paulit-ulit ang proseso.
Coordinated government approach
Naniniwala si Abalos na dapat magtulungan ang DMW, Anti-Red Tape Authority (ARTA), at iba pang ahensya para sa tunay na reporma.
Dapat din aniya ay may maximum processing time at malinaw na pananagutan sa bawat dokumento.
“Sa pamamagitan ng maayos na koordinasyon ng mga ahensya, mapapadali natin ang proseso ng pag-alis at pagbabalik ng ating mga OFW—at mababawasan ang isa sa maraming pasanin nila,” saad niya.
Sa huli, sinabi ni Abalos na ang repormang ito ay hindi lang makakatipid sa oras at pera, kundi magbibigay rin ng mas maraming oras para sa pamilya.