Nilooban ng ilang armadong lalaki ang tinutuluyan ng tatlong overseas Filipino workers (OFW) sa Saudi Arabia.
Ang isa sa mga biktima ay hinalay pa ng mga suspek, ayon sa ulat ng GMA News.
Kwento ng isa sa mga biktima na itinago sa pangalang Ana, nagpakilala umano ang mga nanloob sa kanila bilang mga pulis noong March 3.
Naka-face mask aniya ang mga suspek at tinutukan sila ng baril ng pagbuksan nila ang pinto. Matapos nito, itinali sila saka pingnakawan ng mga alahas at pera.
Ayon kay Ana, pinagsamantalahan pa umano siya ng mga salarin.
Inireport ng mga bitimang OFW ang insidente sa pulisya.
Nakaagapay ang Konsulado ng Pilipinas sa Jeddah sa mga biktima.
Ayon kay Consul General Edgar Badajos, tama ang ginawa ng mga biktima na nakipag-ugnayan agad sa pulis dahil malayo ang kanilang tinutuluyan sa konsulado ng Pilipinas sa Jeddah.
Halos walang oras ang layo ng tinutuluyan ng mga OFW sa Abha mula sa Jeddah.
“Kapag may nangyari, ang dapat na unang gawin ay tumawag sa pulis dahil sila ang first responder dahil kung kayo ay tumawag dito sa atin sa konsulado sa POLO, nasa Jeddah kami so ‘yung hinihingi na instant na reaction ay hindi natin magagawa,” payo ni Badajos.


