Umabot na sa 13,000 ang mga kalalakihan na napaalis mula sa kanilang paninirahan sa Al Qadisiya at iba pang residential areas sa Sharjah dahil sa paglabag sa housing rules.
Nagsimula ang kampanyang ito laban sa iligal na pagtira ng mga ‘bachelors’ o mga lalaking walang asawa sa mga family district at residential area sa emirate noong Setyembre.
Ipinag-utos ito ni H.H. Dr. Sheikh Sultan bin Muhammad Al Qasimi, Member of the Supreme Council and Ruler of Sharjah, matapos marinig ang hiling ng isang babae sa isang programa sa local radio station. Inirereklamo ng babae ang pagdami ng mga kalalakihang umuukupa sa mga lugar na dapat sana’y mga pamilya lamang ang nakatira.
Agad na ipinag-utos ng ruler ng Sharjah sa pulisya at iba pang kaakibat na ahensya ang pag-evict sa mga ‘bechelors’ na nagsisiksikan sa mga apartment malapit sa mga residential area.
Katuwang ang Sharjah Electricity, Water and Gas Authority, patuloy na sinusuyod ng pulisya ang iba’t ibang lugar sa emirate para magsagawa ng inspeksyon.
Marami sa mga apartment na naikot ang pinutulan ng supply ng tubig at kuryente dahil sa paglabag sa safety code.
Ayon kay Thabet Al Traifi, Head of Sharjah Municipality, layon din ng inspeksyon na paigtinging ang precautionary measures ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.