Mga lapnos sa kanyang katawan ang nagpapaalala sa isang 37-anyos na lalaki sa Dubai ng mapait nyang sinapit matapos makipagkita sa babaeng nakilala nya sa isang online dating site.
Habang puspusan sa kanyang paghahanda sa kanilang pagkikita, inihahanda na rin pala ng babae na miyembro ng isang Nigerian gang ang kanilang plano para siya’y pagnakawan.
Unang dinala ng babae ang biktima sa isang apartment sa Al Barsha noong magkita sila Hunyo noong isang tao.
Walang kaalam-alam ang binata sa naghihintay na peligro sa kanyang buhay. Nasa loob ng apartment ang apat na lalaking kasamahan ng kanyang ka-date.
Bugbog ang sinapit ng lalaki sa kamay ng mga salarin. Pagkatapos nito’y iginapos sya sa kama habang kinukuha ang mahahalagang impormasyon tungkol sa kanyang bank account.
Nasa kabuoang AED2,400 ang na-i-widraw ng grupo sa bangko ng lalaki.
Pero hindi dito natapos ang kanyang pagdurusa dahil apat pang kababaihan ang pumasok din sa silid.
Ayon sa biktima, binuhusan ng mga ito ng kumukulong tubig ang maseselang parte ng kanyang katawan hanggang siya’y mawalan ng malay.
Pinilit ng biktima na alisin ang sarili sa pagkakagapos pag-alis ng grupo sa apartment kinaumagahan.
Nang makatakas, agad siyang dinala sa ospital ng ilang mga nakakita sa kanya paglabas ng gusali dahil sa kalunos-lunos nyang sinapit.
Naaresto ang apat na kalalakihan pero hindi ang mga babaeng suspek.
Sinampahan na ng patung-patong na kaso ang apat kabilang na ang confinement, theft at physical assault. Gugulong ang kaso sa muling pandinig sa March 23.
ALSO READ: Paggamit ng apelyido ng ina, papayagan na para sa mga legitimate children—Korte Suprema