Dinidinig ngayon ng public prosecution sa Ajman ang kaso ng isang empleyado na pinatay umano ang kanyang amo matapos itong tumanggi na bayaran ang kanyang sweldo, maging ng siyam pa nyang kasamahan sa trabaho.
Hindi inilabas ng korte ang eksaktong pagkakakilanlan ng suspek at biktima dahil di isinasapubliko ang mga ganitong impormasyon sa bansa. Bagama’t ayon sa mga ulat, magkababayan ang dalawa.
Batay sa CCTV footage na hawak ng Ajman Police, kita ang suspek na naglalakad papalapit sa biktima sa labas ng isang cafeteria sa Ajman.
Bitbit ang isang bag na naglalaman ng patalim, walang habas nitong pinagsasaksak ang biktima sa tiyan at saka nilaslas ang leeg nito.
Nangyari ang insidente matapos nilang mag-usap isang umaga sa parehong cafeteria tungkol sa hinaing ng mga trabahador sa kumpanya.
Hiniling umano ng suspek na bayaran na ng kanyang employer ang kanilang sweldo na naantala sa loob ng maraming buwan. Nang tumanggi ang employer, ito na ang sumunod na nangyari.
Sinubukan pa umanong tumakbo ng biktima papalayo habang duguan, pero hinabol ito ng suspek.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Ajman Police na dinala ng employer ang sukpek sa UAE para magtrabaho sa kanya.
Matapos ang ilang buwan, ayon sa suspek, humingi ng tulong sa kanya ang employer na maghikayat ng siyam pang trahante mula sa kanilang bansa na magtrabaho rin para sa kanya sa UAE.
Dahil sya ang naghikayat sa siyam na trabahante na magtrabaho sa kanyang employer, laking galit umano sa kanya ng mga ito dahil ilang buwan na silang hindi nakakatanggap ng sahod.
Bukod dito hindi rin umano naayos ang kanilang mga work visa at patuloy na pinagtatrabaho kahit na visit visa lamang ang hawak nila.
Sinampahan ng premeditated murder sa public prosecution ng Ajman ang suspek at kasalukuyang dinidinig ang kaso.