Hindi sumagi sa isip ng isang maybahay sa Dubai na sya ang magiging susi para malutas ang serye ng nakawan ng bisekleta sa kanilang lugar sa Al Furjan, Dubai.
Pero bago ito, nabiktima muna sya ng mismong tirador ng bisekleta sa lugar.
Palaging nakikita ni Ambika Tyagi sa kanilang Facebook community page ang ilang reklamo tungkol dito.
Habang nagbabasa ng ilang post sa community page isang araw, biglang sumagi sa kanyang isipan ang bagong bisekleta ng kanyang mister na kaaalis lamang ng UAE, ayon sa ulat ng Khaleej Times.
Nangyari ang kinatatakutan ni Tyagi. Ang bisekletang katabi lamang ng kanilang kotse, nawalang parang bula.
Ayon kay Tyagi, hindi na nila ni-lock ang bisekleta dahil nasa loob naman ito mismo ng kanilang bakuran.
Nang i-check nya ang CCTV, nakita nya ang isang lalaki na lakas loob na pumasok sa kanilang bakuran bitbit ang flashlight at mabilis nitong tinangay ang bisekleta.
Idinulog ni Tyagi ang kanyang reklamo sa Dubai Police na kumuha ng kopya ng CCTV footage.
Pero hindi na nahirapan pa ang pulisya sa pagtugis sa magnanakaw dahil mismong ito ang lumantad sa kanila.
Nalaman ng pulisya na isang kaparehong ‘bike’ ang ibinebenta online. Nagpanggap ang pulis na buyer at doon natimbog ang magnanakaw.
Lumabas sa imbestigasyon na ang parehong suspek ang tirador sa likod ng serye ng mga nawawalang bisekleta sa lugar.