Ayon sa overseas Filipina worker (OFW) sa Kuwait na si Bretchie Lyn Magsayo, ang kanyang maalat na lutong pagkain ang isa sa mga naging dahilan ng pambubugbog at pagpaso sa kanya ng lighter ng amo sa Kuwait.
“Natikman po niya ‘yong luto ko na maalat, ‘yon po sinunog po iyong balat ko ng lighter… dito po sa katawan ko. Ginanu’n po iyong uniform ko at saka dito po sa may kamay,” ani Magsayo.
Nanawagan sa Facebook ang Pinay matapos makatanggap ng pangmamaltrato sa amo na isang airport police noong nakaraang linggo.
Pero hindi raw ito ang unang beses nyang makatikim ng pang-aabuso mula sa amo doon. Bago nito, hinataw din umano sya ng amo gamit ang isang sandok dahil sa hindi agarang pakikipaglaro sa anak nito.
“Iyong ginamit ‘yong pansandok ng sabaw. Pinalo-palo po,” lahad ng OFW.
Kumalat kamakailan ang video ni Magsayo sa Facebook na humihingi ng tulong mula sa mga awtoridad habang ipinapakita ang mga sugat sa kanyang katawan.
Agad naman siyang sinaklolohan ng mga kawani ng embahada ng Pilipinas sa Kuwait.
“Nandito na po ako sa Philippine Embassy ng Kuwait, maayos na po ako dito,” ani Magsayo.
Dahil sa trauma, desidido ang OFW na magsampa ng kaso laban sa kanyang amo.
Sa kasalukuyan, mahigit 1,000 OFW na naninirahan sa Philippine Overseas Labor Office-Overseas Workers Welfare Administration shelter sa Kuwait na naghihintay na makauwi ng Pilipinas. Sa gitna ito ng deployment ban ng mga OFW na ipinataw ng Pilipinas sa Kuwait matapos madiskubre ang katawan ni Joanna Demafelis na nakasiksik sa isang refrigerator sa loob ng isang abandonadong apartment.