For OFWs, troublesome situations abroad become even more difficult when they choose to deal with these problems alone.
In this letter, a deported OFW reflects on his life choices, secrets, and regrets.
He also seeks forgiveness from his family, certain that his past experiences have made him a wiser person.
_______
Dear Filipino Times,
Siguro po ay may mga readers ang TFT na makaka-relate sa kwento ng buhay ko. Siguro yung iba, ija-judge ko. Gusto ko lang pong mag-share dito para mabigyan din sila ng aral sa buhay. At sana po ay mabasa rin ito ng pamilya ko para malaman nila na natuto na po ako sa mga pagkakamali ko.
Bata pa lang po ako ay nagkakagusto na ako sa kapwa ko lalaki. Pero itinago ko po ito sa pamilya at mga kakilala ko sa probinsiya. Bilang lang sa daliri sa malalapit kong kaibigan ang nakakaalam nito. Nagkaroon pa nga po ako ng isang girlfriend nung nag-college ako rito sa Maynila. Na-pressure na kasi ako noon dahil panganay ako at ang dalawa kong kapatid na lalaki na high school pa lang ay nauna pang magkaroon ng girlfriends. Hindi ko po magawang aminin ang totoo kahit sobrang hirap magtago. May tito kasi akong pari at sobrang conservative at religious ang buong pamilya namin.
Nang makagraduate po sa college ay nagtrabaho na ko sa isang restaurant sa UAE. Masaya ako noon kasi nakakatulong ako sa pag-aaral ng mga kapatid ko. Sinabi rin ng parents ko na proud sila sa akin. Matutupad daw po ang mga pangarap ko abroad. Hindi nila alam, yung sikretong pangarap ko ang natupad doon. May nakilala po ako roon—ang naging una kong lalaking karelasyon. Sa buong buhay ko, siya lang po ang nagparamdam sa’kin kung paano mahalin ng isang lalaki. Kahit 25 na ako noon, pakiramdam ko parang teenagers lang kami na sobrang in love at walang ibang iniisip kundi ang maging masaya sa piling ng isa’t-isa.
Eventually, hindi na rin po kami nakuntento sa pagkikita lang sa flat at kung anumang tagong lugar. Gusto naming lumabas, mamasyal at mag-enjoy nang hindi kailangang magtago. Kaya kahit bawal po sa Islam ang relasyon namin, pinilit naming gumawa ng paraan. Doon na ako nagsimulang mag-cross dress.
Nagpahaba ako ng buhok, at nagsuot ng make-up at damit pambabae para lang magkasama kaming makapag-party sa night clubs na walang kumikwestyon sa pagkatao ko at sa relasyon namin. Umiinom din po ako ng pills noon para ma- minimize ang Adam’s apple at ang panlalaking muscles sa katawan. ‘Di ko maipaliwanag ang kaligayahan ko tuwing magkasama kami at nabubuhay akong parang tunay na babae.
Hindi naman po ako ignorante sa batas. Labag sa Sharia law ang homosexuality; malinaw yun sa’kin. Kaso hindi ko po talaga mapigilan noon ang damdamin ko. Pero totoo ngang walang forever. Natapos lahat ng kaligayahan ko isang gabing nasa mall kami ng boyfriend ko. Nalaman ng mga pulis na lalaki ako nang hingan ako ng ID. Dahil sa cross dressing, halos tatlong linggo po akong nakulong sa selda para sa “effeminates.” Litung-lito ako noon. Hindi ko magawang kontakin ang pamilya ko sa Pilipinas dahil hindi nila alam na bakla ako. Natakot din po ako na hindi nila ako matanggap at alam kong sobrang kahihiyan ang ibibigay ko sa kanila. Panganay pa naman ako.
Ang masaklap pa sa lahat, walang ginawa ang boyfriend ko para makalaya ako. Hindi niya man lang ako dinalaw noon. Natakot daw po siya na pati siya ay makulong at mabunyag sa pamilya niya na homosexual din siya. Hindi niya kayang mawala sakanya ang lahat. Samantalang ako, wala na akong choice. Gumuho na lahat ng pangarap ko. Na-deport ako after three weeks.
Nalaman ko na lang po na hinanap pala ako nina Papa at alalang-alala silang lahat. Lumapit sila sa OWWA at nalaman ang totoong nangyari sa’kin. Sa 25 taon ngbuhay ko, di ko nakayang mag-out sa magulang ko pero tadhana na pala ang gagawa nun para sa’kin. Nagpapasalamat ako sa pamilya ko kasi kahit alam kong nahihirapan silang tanggapin ang pagkatao ko at ang mga nagawa ko sa UAE, alam kong mahal pa rin nila ako. Sabi nga ni Papa, ang mahalaga raw ay ligtas ako. Para nga po akong prodigal son eh. Sa huli, pamilya pa rin talaga ang matatakbuhan ko kahit anong mangyari.
Sa ngayon, may trabaho na po ulit ako dito sa Maynila. Mas maliit ang sweldo pero pinipilit ko pa ring magpadala sa probinsiya. Hirap din kasi sa budget sina Mama. Gusto ko pong ibigay lahat ng makakaya ko sa kanila. Yun ang paraan ko para humingi ng tawad sa lahat ng pag-aalala at paghihirap na pinagdaanan nila dahil sa pagkaka-deport ko. Sana rin ay mapatawad nila ako sa mga maling desisyon kong nagawa.
Kung sakali man pong mabigyan ulit ako ng chance mag-abroad, sisiguraduhin kong susunod na ako sa lahat ng patakaran. Kung hindi sana ako lumabag sa batas, mas maginhawa sana ang buhay namin ngayon. Na-realize ko po na nasa kamay ko naman talaga ang sarili kong kapalaran.
Oo, bakla ako; kaya ko nang aminin ang tunay kong pagkatao. Pero sigurado akong mas wise na ako ngayon. Hindi na puro feelings ang paiiralin ko. Natutuhan ko po kasi na pati pamilya ko ay apektado sa lahat ng ginagawa kong desisyon. Sana maging aral sa lahat ang nangyaring ito sa buhay ko.
Salamat po.