Nag-express ng kalungkutan ang Filipino actor na si Dennis Padilla sa social media dahil hindi siya naimbitahan sa kasal ng anak niyang si Claudia Barretto na ginanap noong April 8, 2025.
Ayon sa post ni Dennis Padilla, hindi raw siya kasama sa programa at sinabihan na lang na maghintay kasama ang mga guests imbes na ihatid ang anak sa altar.
Sabi pa ng aktor, wala ni isa sa mga event organizers ang nagbigay ng kahit anong impormasyon na wala pala siyang role sa kasal ng anak.
Sinabi niyang nagdesisyon sila ng kapatid niyang si Gene na maghintay na lang sa likod ng simbahan pagkatapos ma-confirmed na hindi siya kasama sa entourage.
Ayon sa Rappler, nag-post si Padilla ng note sa Instagram pagkatapos ng kasal na nagsasabing: “Grabe kayo!! Nabudol ‘nyo ko! Father of the bride naging visitor! Galing ‘nyo! Finish.” Pero tinanggal na rin ito ni Padilla.
Sa interview kay Ogie Diaz, sinabi ni Padilla, “Ayoko na. Surrender na. I’m finished… Tatay na lang nila ako pero bringing back the relationship, wala na siguro.”
Dagdag pa niya, “Paalam na ito e. This is a permanent goodbye… Maybe the last time you would see me, sa loob ng kabaong ko ‘yun… Kung gusto n’yong mag-donate ng pambili ng biscuit, pwede naman.”
Padilla’s brother speaks out
Nag-express din ng disappointment si Gene Padilla tungkol sa treatment na naranasan ng kapatid niyang si Dennis sa kasal ni Claudia.
Sa isang Instagram post, ibinahagi ni Gene ang kanyang karanasan at frustration dahil sa pagka-exclude ng kapatid sa programa ng kasal.
Ayon kay Gene, dumating sila ng maaga sa simbahan, excited na makita ang kasal, pero sinabi na lang sa kanila na hindi kasama si Dennis sa official program. Sinabi ni Gene na wala sa event organizers ang nagbigay ng impormasyon bago ang kasal, kaya’t naramdaman ni Dennis na na-sideline siya bilang tatay ng bride.
Inilarawan pa ni Gene kung paano sila nagtanong sa organizers kung saan sila pwedeng umupo. Sinabi naman sa kanila na maaari silang umupo sa tabi ng mga ninong at ninang, ngunit para sa Padillas, hindi ito ang tamang pwesto para sa isang ama sa kasal ng anak.
Dahil dito, naupo na lang sila ni Dennis sa likod ng simbahan. Ibinahagi ni Gene na naging emosyonal at na-upset si Dennis sa nangyari kaya’t nagdesisyon silang umalis pagkatapos ng seremonya. Naghintay na lang sila para kumuha ng mga pictures kasama ang mga bagong kasal.
“Naramdaman ko yung sakit na naramdaman ng kapatid at nanay ko dahil ama din ako,” sabi ni Gene.
“Ang tagal na panahon na nanunuyo at nahingi ng atensyon ama niyo sa inyo mga anak. ‘Yan ba itinanim ng mga nakapaligid sa inyo? Puro kayo karangyaan at kasikatan. Sa inyo na lahat yan. Sanay kami sa hirap at di talaga kami nababagay sa inyo. Pero pinagkaiba [natin] yung puso namin at dignidad di niyo [kayang] pantayan,” dagdag pa niya.
“Di pala father of the BRIDE! Guest of the BRIDE!!!” pagtatapos ni Gene.
Hanggang ngayon, hindi pa nagbibigay ng pahayag sina Claudia at ang kanyang mga kapatid tungkol sa mga sinabi nina Dennis at Gene Padilla.