Uncategorized

Part 1 of 4: Sa aking pag-alis

Ang anak ko; kabuuan ng mga pangarap, mithiin at hangarin ko. Heto na s’ya, palakad papunta sa amin, matipuno at puno ng kumpiyansa, ang puting damit at khaking pantalon ay bagay sa kanya. Sa paghawak ko sa kamay n’ya, gusto kong umiyak. Gusto kong sabihing “Anak, sana’y ‘di mo na pagdaanan ang mga pagkakamali namin, sana’y napatawad mo kami sa lahat ng pagkukulang namin sa’yo ng ama mo”, pero hindi ko masabi, ayokong bahiran ng lungkot ang napakasayang araw na ito.

Ang magiging manugang ko, maluhaluha habang lahat ng tao sa paligid ay pinagmamasdan s’ya sa napakaganda nyang trahe de boda. Sa dinami dami ng mga taong dumaan sa buhay ni Dan, siguro’y s’ya na nga ang magtatama sa maanod na buhay ng anak ko.

Pasensya na anak, imbes na matiwasay at maayos na buhay ang naibigay ko sa’yo sa pag-alis ko ng bansa, gulo at pait ang naging bahid ng pagkakahiwalay natin. Sa pagbuo mo ng sarili mong pamilya, nawa’y alam mong hindi namin sinadya ng tatay mo ang lahat ng pinagdaanan mo…

Ako si Olga, lampas dalawampung taon nang OFW rito sa Saudi. Ito ang kwento ko.

Kaaalis lang ni Apo tungong Hawaii. Hindi pa halos linis ang mga dilaw na banner, papel na sumbrero, at konfeti sa kalye, hindi pa tapos ang mga biglaang disco sa kalye ng mga taong ‘di mapigilan ang tuwa sa pagalis ng diktador. Halos rinig ko pa ang mga tangkeng nagsiatrasan sa EDSA ilang araw lang ang nakalipas habang papasok ako sa boarding gate ng NAIA. Pakiramdam ko noon, sa pag-alis ko, ang kinabukasan ko, sabay ng bansa, ay giginhawa. Tulad ng marami sa atin, umalis ako ng Pilipinas para sa pamilya ko, iniwan ko si Dan sa asawa ko at nakipagsapalaran.

Pero iba pala ang Saudi. Hindi ko napaghandaan ang higpit ng kapit ng pagkabalisa, ang talim ng mga kuko ng pananbik sa yakap ng anak ko, ang lamig ng gabing mag-isa mong pinapalipas sa maliit na kwarto.

Noong una, hindi ko pinapansin si Donald. Kasama ko s’ya sa trabaho, at syempre, nagsasama sama ang mga Pilipino, ang kalahi mo, kaibigan mo. Sa mga pagdiriwang, pormal man o biglaan, napansin kong lagi n’ya akong kinakausap. Palagi s’yang nagtatanong sa mga kaibigan ko kung ano ang mga paborito ko, mga pampalipas oras, mga paboritong pagkain. Noon una, wala naman sa akin ‘yung mga prutas sa umaga sa lamesa ko sa opisina. Hindi ko pinapansin ‘yung mga simpleng bagay na ‘yun.

Noong una.

Hindi ko alam kung ano ang nagbago. Hindi ko maalala kung kelan nagbago. Inasahan, at nagalak na ako sa bawat umagang alam kong may munting almusal ng prutas at tinapay sa lamesa ko. Tumamis ang mga pasasalamat ko sa kanya bawat pagdalhan niya ako ng mga lutuing nami-miss ko. Nahulog na ang loob ko.

Kahit pala mga lalaki, madali ring makahalata ng pagbabago. Sa mga sulat ko sa asawa kong si Homer, napansin n’yang madali akong mainis sa kanya. Napansin n’yang sa madalang na paguusap namin sa telepono, lumamig ako at ayokong pagusapan ang buhay ko rito sa Saudi. Napansin n’ya lahat nang iyon nang hindi ko napansin.

Ang mga panahong iyon, parehong masalimuot at masaya. Puno ako ng galak ako ‘pag kasama ko si Donald, pero kinakain ako ng kunsensya ko at suklam sa sarili sa bawat tawag ko sa Pilpinas, lalo na kapag nakakausap ko si Dan. Malambing s’yang bata, kaya doble ang pait kapag sinasabi n’ya sa aking, umuwi na ako at nami-miss na ako ng daddy n’ya. Na gusto na n’ya ulit na matulog kaming tatlo na magkakatabi.

Pero ‘yung sakit na ‘yun mismo ang lalong nagtulak sa akin sa tabi ni Donald sa mga gabing tumatawag ako sa Pilipinas. Ang pananabik ko sa anak ko bawat marinig ko ang boses n’ya, at ang kaakibat nitong lungkot. ‘Yung mga damdaming hindi ko kinaya magisa, lalo akong naghanap ng sasandalan.

Hanggang hindi na rin kinaya ni Homer ang pagtapak ko sa pagkalalaki n’ya. Siguro’y dahil sa lkungkot o sa pagnanais na maibigay sa anak namin ang magandang buhay nang hindi na umaasa sa akin, umalis s’ya tungong Guam. Sumugal sa trabahong walang kasiguruhan.

Sa kanyang pag-alis, halos bumitaw ako sa trabaho. Nagmakaawa ako sa amo ko na payagan akong sumaglit sa Pilpinas. Pero may kontrata ako. Halos luhuran ko sila na payagan ako, dahil iissa lang ang nasa isip ko, na siyang pilit kong pinaiintindi sa kanila: “My son is all alone in the Philippines!”.

 

Please see part 2 of 4 here.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Related Articles

Back to top button