Pinuri ni senatorial candidate at dating DILG Secretary Benhur Abalos ang Migrant Workers Office (MWO) sa Dubai matapos nitong alisin ang appointment system para sa contract verification at dagdagan ang bilang ng online slots hanggang 800 kada linggo simula May 1.
Ayon kay Abalos, patunay ang hakbang na ito sa pagtugon sa mga hinaing ng mga manggagawa abroad na matagal nang nahihirapan sa mahabang pila at mabagal na pagproseso ng appointment.
“Isang malaking panalo ito para sa ating mga makabagong bayani,” pahayag ni Abalos. “Ang pagtanggal ng appointment system at ang pagbubukas ng mas maraming online slots ay konkretong tugon sa matagal nang panawagan ng ating mga OFW. Pinapakita nito na kung may malasakit at mabilis na aksyon, tunay nating mapapagaan ang pasanin ng ating mga kababayan sa ibang bansa.”
Simula May 1, aalisin ng MWO Dubai ang requirement sa appointment at mag-aalok ng 800 online submission slots bawat linggo para sa contract verification bilang bahagi ng pag-transition nito sa isang ganap na online system. Kabilang dito ang mga OFW sa Dubai, Sharjah, Ajman, Fujairah, Umm Al Quwain, at Ras Al Khaimah.
Kamakailan ay inanunsyo ng MWO Dubai na may dalawang opsyon na ang mga OFW sa pagpapa-verify ng kontrata: maaaring isumite ang kanilang kontrata online o mag-walk-in isang araw bago ang kanilang flight. Gayunman, hinihikayat pa rin ang paggamit ng online system upang makaiwas sa mahabang pila.
Tuwing Lunes, alas-8:00 ng umaga, magbubukas ang bagong online form para sa mga submission. Bukas ito hanggang mapuno ang slots o hanggang alas-11:59 ng gabi ng Miyerkules, alinman ang mauna.
Sa mga naging konsultasyon ni Abalos sa mga OFWs sa Middle East, Europe, at Asia, paulit-ulit niya umanong naririnig ang parehong hinaing: ang pangangailangan ng patuloy na pagpapabuti ng serbisyo, hindi lamang sa Dubai kundi pati na rin sa lahat ng OFW-serving posts sa buong mundo.
“Sa bawat konsultasyon, lagi kong naririnig ang kanilang hiling: gawing mas madali para sa amin na makauwi, makaalis para magtrabaho, at makita ang aming pamilya,” sabi ni Abalos. “Karapat-dapat lamang na paglingkuran natin ang ating mga OFW nang may respeto, mabilis na aksyon, at malasakit.”
Kung mananalo sa Senado, nangako si Abalos na isusulong niya ang mga batas na magtatakda ng streamlined, fully digitalized, at time-bound na proseso para sa contract verification, OEC issuance, at iba pang mahahalagang serbisyo para sa mga OFW.
“Malaki ang sakripisyo ng ating mga OFW. Ang pinakamaliit na maibabalik natin ay ang paggawa ng mga serbisyong pamahalaan na simple, mabilis, at tunay na abot-kamay nila,” dagdag niya.