Feature

Lolo, na-stroke matapos pagkaitan ng P5,000 ayuda mula sa SAP

Isang senior citizen sa Cataingan, Masbate ang na-stroke dahil sa matinding sama ng loob matapos pagkaitan ng P5,000 ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP) na ipinatutupad ng pamahalaan.
Isinugod nitong April 27 sa Masbate Provincial Hospital si Avelino Caliwan ng Brgy. Matayum matapos makaramdam ng paninikip ng dibdib.
Ayon sa isang Facebook post ng kanyang apong si Ompad Leah Caliwan Briones, masigla pa noong umaga ang matada. Katunayan, maaga itong nagpunta sa barangay hall bitbit ang pag-asang may maiuuwing ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bagama’t wala ng sapat na lakas si Lolo Avelino, sinisikap pa rin nyang magsaka. Pero nahinto ito dahil sa umiiral na lockdown sa mga probinsya sa Pilipinas.
Ang kanya namang mga kaanak, wala ring ibang mapagkukunan para tustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan.
Nang dumating na ang oras ng pagbibigay ng SAP noong araw na iyon, bigo si Lolo Avelino.
“Nang nagsimula na po sa pagbibigay ng amelioration fund, pagdating kay lolo may sinabi po sa kanya na “Tay, uwi ka nalang,” sabay sulat sa form ng ‘for validation’ dahil wala raw beneficiary si lolo samantalang may asawa siya,” ayon sa kanyang apong si Leah.

“Umuwi ‘yung lolo ko na sobrang dismayado,” dagdag nya.
Ang ipinagtataka ng matanda, nabigyan ang ibang señior citizens na mag-isa nalang din sa buhay. Ang iba pa nga, ayon sa kanyang apo, mga residenteng wala pang asawa o kaya’y binubuhay na pamilya.
Sa puntong ito, bumigay ang kalooban ng matanda.
“Masakit para sa kanya, eh. Dala-dala niya iyon hanggang pag uwi niya sa bahay. Sabi niya sana ‘di nalang siya nilagay sa payroll kung ganun lang din ang mangyayari,” lahat ni Leah sa kanyang Facebook post.

Sa ngayon, paralisado ang kalahati ng katawan ni Lolo Avelino at nakaratay pa rin ito sa ospital.
Sa pagkahabag ng netizens sa sinapit ng matanda, sila na ang nagpaabot ng tulong kapalit ng perang tila anila’y ipinagkait sa kanya.
Idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P200-billion social protection program noong unang linggo ng Abril para sa mga pamilyang nangangailangan. DWSD ang inatasang magpatupad nito, pero inulan ang ahensya ng samu’t saring reklamo at batikos dahil sa diumano’y hindi patas na distribusyon ng ayuda.

Tags

Staff Report

The Filipino Times is the chronicler of stories for, of and by Filipinos all over the world, reaching more than 236 countries in readership. Any interesting story to share? Email us at [email protected]

Related Articles

Back to top button
Close